Muling iginiit ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang hurisdiksiyon ang International Criminal Court (ICC) sa dating lider, ilang araw bago ang pagbubukas ng paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na kinakaharap nito.

Nagtipon ang ilang tagasuporta ni Duterte sa The Hague, Netherlands, upang ipakita ang kanilang suporta at humingi ng pakikiisa mula sa publiko roon sa kabila ng napakalamig na panahon.

Ayon sa ilang tagasuporta, dapat sa mga korte sa Pilipinas litisin ang mga reklamong may kaugnayan sa mga biktima ng kampanya kontra droga, at hindi sa ICC.

Kinuwestiyon din nila ang hurisdiksiyon ng tribunal at iginiit na dapat munang matiyak ang paggalang sa mga karapatan ni Duterte sa ilalim ng mga probisyon ng Rome Statute.

Gayunman, nauna nang nagpasya ang ICC na mayroon itong hurisdiksiyon sa mga umano’y pagpatay na naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa pagbasa ng mga sakdal at pagpasok ng plea ni Duterte, kasunod ang mga pambungad na pahayag ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima.

Nakahanda rin ang mga tagasuporta na magsagawa ng protesta sa labas ng gusali ng ICC kasabay ng pagbubukas ng paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga noong alkalde pa siya ng Davao City at nang maging pangulo ng bansa.

Inaresto siya noong Marso 2025 sa Ninoy Aquino International Airport at kasalukuyang nakadetine sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague. Nauna na ring idineklara ng ICC Trial Chamber III na fit to stand trial ang dating pangulo.