Pormal nang nagbitiw sa kanyang puwesto bilang miyembro ng House of Representatives si ACT-CIS party-list Representative Edvic Yap.

Ipinabatid ni Yap ang kanyang pagbibitiw sa pamamagitan ng isang liham na ipinadala sa kanyang mga kasamahan sa Kamara, na binasa sa plenary session ng Mababang Kapulungan nitong Miyerkules.

Ang kanyang pagbibitiw ay naganap makalipas ang halos tatlong buwan mula nang isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tumanggap umano si Yap at Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto ng pera sa pamamagitan ng bank transfer mula sa contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya, mga pangunahing personalidad sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.

Si Edvic Yap ay kapatid ni Benguet Lone District Rep. Eric Yap, na naiuugnay rin sa nasabing kontrobersiya. Ayon kay Remulla, itinuturing na “person of interest” si Edvic Yap kaugnay ng mga flood control project sa La Union na umano’y ganap nang nabayaran ngunit hindi pa tapos, at itinayo ng kumpanyang dati niyang pagmamay-ari.

Noong Disyembre, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagpalabas ang Court of Appeals ng freeze order laban sa mga personal na bank account at ari-arian ng magkapatid na Yap.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, mariin namang itinanggi ni Rep. Eric Yap ang mga alegasyon ng umano’y “surprise whistleblower” na si Orly Guteza na naghatid daw siya ng mga maleta ng pera kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co kaugnay ng flood control projects. Tinawag niyang walang katotohanan ang mga paratang at iginiit na lilinisin niya ang kanyang pangalan sa tamang panahon at forum.

Si Eric Yap ay nagsilbi ring chairman ng House appropriations committee mula 2020 hanggang 2022.