
Tiniyak ng national government ang mabilis na pagtugon sa mga apektadong komunidad sa Mindanao matapos ang naganap na lindol, sa pamamagitan ng agarang rehabilitasyon ng imprastraktura at prepositioned na relief assistance.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, inatasan na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad simulan ang repair operations sa mga nasirang imprastraktura simula ngayong Martes, Hunyo 9.
“Magsisimula na ang trabaho bukas pa lang. Immediately, nag-order na tayo ng repair works starting tomorrow morning,” ani Dizon, na nagsabing mananatili ang gobyerno sa lugar upang tiyakin ang tuloy-tuloy na operasyon ng rehabilitasyon.
“We will never leave anyone behind. We will not leave Mindanao behind,” dagdag niya.
Sa sektor ng kalusugan, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na wala pang naitatalang structural damage sa mga ospital, bagama’t nakaranas ng power interruptions ang ilang pasilidad.
Ayon sa kanya, umaasa sa generator sets ang mga ospital bilang pansamantalang supply ng kuryente.
Samantala, sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na sapat ang naka-preposition na relief goods para sa mga apektadong pamilya, kabilang ang 300,000 family food packs sa Regions 11 at 12, at humigit-kumulang isang milyong food packs na available sa buong Mindanao.
Dagdag pa ni Gatchalian, handa rin ang pamahalaan para sa emergency cash assistance at iba pang recovery measures matapos ang operasyon ng paghahanap at pagligtas.






