
Ibinasura ng Korte Suprema ang magkakahiwalay na petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglipat sa kaniya sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Sa isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, itinuring ng Kataas-taasang Hukuman na moot o wala nang praktikal na layunin ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng ICC si Duterte sa The Hague, Netherlands.
Ipinaliwanag ng SC na hindi na maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus dahil limitado lamang sa teritoryo ng bansa ang kanilang kapangyarihan.
Dagdag pa rito, wala na rin umano sa kustodiya o kontrol ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ang dating pangulo matapos siyang ilipat sa ICC.










