
Nag-alok ang isang kongresista ng pabuya na P100,000 sa sinoman na makakapagbigay ng impormasyon sa mga nanggahasa at pumatay sa isang Slovakian tourist sa Boracay.
Si Aklan Rep. Teodorico Haresco, Jr. ang nag-alok ng pabuya kasunod ng pagtukoy ng pulisya sa tatlong persons of interest sa sexual assault at pagpatay kay Michaela Mickova, 23-anyos.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawa sa tatlong suspek.
Binigyang-diin ni Haresco na nagdulot ng hindi magandang epekto sa tourism industry ng Aklan ang nasabing insidente, kaya kailangan na maresolba ito sa lalong madaling panahon upang maibalik ang tiwala ng publiko.
Ayon sa kanya, dapat na muling tiyakin sa mga turista na isang ligtas na lugar ang Boracay.
Kasabay nito, sinabi ni Haresco na nakahanda siyang makipagtulungan at magbigay ng financial assistance sa law enforcement sa Boracay para mapabilis ang imbestigasyon at mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa nasabing dayuhan.
Idinagdag pa niya na gagawin nila ang lahat, sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Boracay upang matiyak na hindi na mauulit ang katulad na krimen.