
Inimbitahan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), Commodore Jay Tristan Tarriela si Senator Rodante Marcoleta na personal na bisitahin ang Kalayaan Group of Island (KIG) sa gitna ng kontrobersiya kaugnay sa sinabi ni Marcoleta na isuko ng bansa ang pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi ni Tarriela na bigyan ng pagkakataon si Marcoleta na patunayan na siya ay patriotic public servant na tatayo para sa ating karapatan sa West Philippine Sea.
Tugon ito ni Tarriela sa pahayag ni Marcoleta na dapat na isuko na ang KIG dahil nasa labas na ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ano nga ba ang Kalayaan Group of Islands na kontrobersiyal ngayon dahil sa mga pahayag ni Marcoleta.
Ang KIG ay bahagi ng Kalayaan, ang fifth class municipality ng Palawan.
Ito ay binubuo ng mahigit 130 features, kabilang ang pitong mga isla at dalawang reefs na okupado ng Pilipinas.
Kabilang sa pangunahing features nito ay ang Pag-asa Island, kung saan ito ang pinakamalaki, at Lawak Island, Patag Island, Likas Island, Kota Island, Panata Island, Parola Island, at ang Ayungin Reef at Rizal Reef.
Batay sa kasaysayan, nadiskubre ng Filipino adventurer at fishing magnate Tomas Cloma ang KIG noong 1947, na kalaunan ay inangkin niya ang pag-aari sa mga isla.
Sinimulan ng bansa na magtalaga ng tropa sa Lawak Island noong 1970, na sinundan ng Kota, Likas, at Pag-asa Island.
Pormal itong isinama bilang munisipalidad ng Palawan noong 1978, sa ilalim ng Presidential Decree 1596 ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang pinakamalaki sa mga isla, ang Pag-asa Island, ay nasa 280 nautical miles mula Puerto Princesa sa Palawan.
Habang ito ay nasa labas ng EEZ, mayroon itong sariling territorial sea bilang isang inhabited island.
Ang Pag-asa Island ay tahanan ng ng isang maliit na komunidad, karamihan mga mangingisda.
Mayroon itong sariling paaralan, clinic, may tanggapan ng Commission on Elections, Pag-asa Island Research Station, at barracks para sa uniformed personnel.
Nakawagayway din doon ang watawat ng Pilipinas.
Sa 2016 arbitral ruling ng UNCLOS, na napanalunan ng ating bansa, tinalakay lamang ang maritime rights, ang ating mga karapatan sa katubigan.
Ang KIG at ang buong West Philippine Sea ay mahalaga hindi lamang sa geopolitics, kundi maging sa food security at livelihood.






