Umabante sa Round of 16 ng FIVB Volleyball Girls U17 World Championship ang Alas Pilipinas Girls sa kabila ng limang-set na pagkatalo kontra Venezuela sa Chile.
Nabigo ang batang Filipinas, sa score na 19-25, 16-25, 25-22, 25-19, 11-15, matapos makabawi mula sa dalawang sets na pagkakaiwan. Nagtapos ang Pilipinas sa ikaapat na puwesto sa Group B na may 2-3 win-loss record.
Nanguna sa opensa si 16-year-old outside hitter Caera Celis na nagtala ng 24 puntos, habang nagdagdag si Xyz Rayco ng 19 puntos.
Makakaharap ng Alas Pilipinas Girls ang South Korea sa Huwebes para sa Round of 16, kung saan target nilang makausad sa quarterfinals.
Nanguna naman para sa Venezuela si Yalesca Colina na may 27 puntos. Matapos ang torneo, umakyat sa No. 25 sa FIVB U17 rankings ang Pilipinas.










