Isang pambihirang albino buffalo sa Bangladesh ang naging viral at dinagsa ng mga tao matapos itong bansagang “Donald Trump” dahil umano sa pagkakahawig nito sa hairstyle ni US President Donald Trump.

Ang halos 700-kilogramong buffalo ay inaalagaan sa isang farm sa Narayanganj malapit sa Dhaka at mabilis na sumikat sa social media bago ang pagdiriwang ng Eid al-Adha.

Ayon sa may-ari nitong si Ziauddin Mridha, pinangalanan ng kaniyang nakababatang kapatid ang buffalo na “Donald Trump” dahil sa blond nitong buhok sa noo na kahawig umano ng sikat na ayos ng buhok ng pangulo.

Dahil sa kakaibang itsura nito, dinarayo ng maraming residente mula sa iba’t ibang lugar ang farm upang mag-selfie at kumuha ng video kasama ang buffalo.

Bukod sa pambihirang kulay nito, inilarawan din ng may-ari ang hayop bilang maamo at kalmado sa kabila ng laki nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa kaniya, nangangailangan ito ng espesyal na pag-aalaga kabilang ang apat na paligo at apat na beses na pagpapakain kada araw.

Sa Bangladesh, itinuturing na bihira ang mga albino buffalo dahil karamihan sa mga alagang buffalo sa bansa ay may maitim na balat.

Karaniwan ding nagiging viral sa Bangladesh ang malalaki at kakaibang hayop tuwing Eid al-Adha, kung kailan nagsasagawa ng tradisyunal na paghahandog ng mga alagang hayop ang mga pamilyang Muslim.