
Itinuturing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na seryosong banta sa pambansang seguridad ang alegasyong tumanggap umano ng milyun-milyong pisong pondo mula sa pamahalaan ng China sina Vice President Sara Duterte at ang kaniyang asawang si Manases Carpio, kung mapatutunayang totoo ang mga paratang.
Ayon kay Marcos, masusing iniimbestigahan na ng Department of National Defense ang usapin. Binigyang-diin niyang nakataya rito ang soberanya, kaligtasan at seguridad ng Pilipinas.
Nauna nang iginiit ni dating senador Antonio Trillanes IV na dumaan umano sa Cale88 Foods Corporation ni Carpio ang humigit-kumulang ₱319 milyon mula sa China.
Sinabi rin niyang nakatanggap umano ng ₱150 milyon ang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines Inc. mula sa Chinese Embassy para sa pagpapatayo ng 13 silid-aralan.
Gayunman, itinanggi na ng kampo ni Duterte at ng Chinese Embassy ang mga alegasyon.
Ayon kay Marcos, kailangang mapatunayan ang mga paratang at hindi dapat umasa sa mga haka-haka lamang.
Samantala, sinabi ng National Security Council na susuriin din nito ang posibleng implikasyon ng mga alegasyon sa pambansang seguridad, alinsunod sa mga umiiral na legal na proseso.









