Sasabak sina Alex Eala at Venus Williams sa kanilang unang laban bilang magkapareha sa doubles competition ng Bad Homburg Open sa Germany ngayong Miyerkules ng gabi (oras sa Pilipinas)

Makakaharap ng tambalan nina Eala at Williams ang American-Australian pair na sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne sa opening round ng torneo.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalaro sa iisang panig ng court sina Eala at Williams. Gayunman, nagkasagupa na ang dalawa noong Enero sa ASB Classic doubles tournament kung saan tinalo nina Eala at Iva Jovic sina Williams at Elina Svitolina sa dalawang set.

Hangad ni Eala na makabawi sa doubles matapos ang kanyang maagang paglabas sa singles competition ng Bad Homburg Open kasunod ng pagkatalo kay Elise Mertens sa unang round.

Malaki ang inaasahang atensyon sa tambalan nina Eala at Williams dahil sa pagsasama ng isa sa pinakamalaking pangalan sa kasaysayan ng tennis at ng kasalukuyang nangungunang Filipina tennis star.

-- ADVERTISEMENT --