
Excited si world No. 4 Felix Auger-Aliassime na makasama si Filipina tennis star Alexandra Eala sa mixed doubles event ng US Open.
Pasok sa main draw bilang wildcards ang tambalan nina Auger-Aliassime at Eala, na nakatakdang lumaro sa Agosto 25 at 26 sa New York.
Ayon kay Auger-Aliassime, interesado siyang maranasan ang tinatawag niyang “Eala effect,” partikular ang suporta ng mga tagahanga ni Eala. Aniya, bagama’t mas bata sa kaniya ang Filipina tennis star, pakiramdam niya ay si Eala ang magdadala ng crowd support sa kanilang tambalan.
Magkakilala rin ang dalawa dahil pareho silang hawak ng iisang sports agency, habang nakatulong ang kanilang mga team para mabuo ang kanilang partnership.
Bago ang US Open, nagtapos sa Round of 16 ang kampanya ni Auger-Aliassime sa Cincinnati Open matapos siyang talunin ni Frances Tiafoe. Samantala, nalaglag naman si Eala sa Round of 32 matapos matalo kay Amanda Anisimova.
Inaasahang magiging isa sa mga tampok na tambalan sa mixed doubles event ang Eala-Augier-Aliassime pairing, na parehong nagmula sa matagumpay na kampanya sa singles events.









