
Umarangkada si Alex Eala sa kanyang unang laban sa 2026 Asian Games matapos talunin si Patcharin Cheapchandej ng Thailand, 6-1, 6-0, sa kanilang Round of 16 match nitong Lunes sa Japan.
Mabilis na nakontrol ni Eala ang laro at agad na nakalamang sa unang set. Bagama’t nakakuha ng isang game ang Thai player, agad na bumawi ang Pinay tennis star at tuluyang kinuha ang set, 6-1.
Hindi na nagbigay ng pagkakataon si Eala sa second set at tuluyang winalis si Cheapchandej, 6-0.
Dahil sa panalo, pasok na si Eala sa Top 8 ng women’s singles at umabante sa quarterfinals, kung saan makakaharap niya si Joanna Garland ng Chinese Taipei.
Naantala ang kanilang laban dahil sa masamang panahon at inilipat mula sa Centre Court patungo sa Indoor Court C ng Higashiyama Park Tennis Center.
Napaganda rin ni Eala ang kanyang head-to-head record laban kay Cheapchandej, na natalo na rin niya noong Round of 16 ng kanyang championship run sa ITF W25 Chiang Rai noong 2022.










