Natapos ang magandang run ng tambalang Alex Eala at Venus Williams sa doubles ng Bad Homburg Open matapos silang talunin sa quarterfinals ng second-seeded duo na sina Tereza Mihalikova at Olivia Nicholls, 6-3, 6-2.

Sa unang set, nakasabay pa ang Filipino-American pair at nakakuha pa ng maikling kalamangan sa iskor na 2-1 at 3-2, ngunit nakabawi ang kanilang kalaban sa pamamagitan ng solid net play upang kunin ang set.

Sa ikalawang set, nanatiling dikit sa simula ang laban bago tuluyang kumalas sina Mihalikova at Nicholls sa 3-1 at 5-1 lead, patungo sa mabilis na pagtatapos ng laban.

Sa kabila ng pagkatalo, itinuturing na makabuluhan ang kampanya ng Eala-Williams tandem matapos nilang maabot ang quarterfinals sa kanilang unang pagsasama bilang doubles partners.

Sa unang round, tinalo nila sina Alexandra Osborne at Catherine Harrison.

-- ADVERTISEMENT --

Para kay Eala, nagsilbing mahalagang grass-court preparation ang torneo bago ang Wimbledon, kung saan siya ay inaasahang sasabak din sa singles competition.