TUGUEGARAO CITY-Hinirang bilang overall champion ang bayan ng Amulung sa katatapos na Cagayan Provincial Athletics Association (CPAA) matapos makasungkit ng 51 na gintong medalya.
Ang Amulung ang nanguna sa 28 bayan sa probinsya habang 1st placer naman ang bayan ng Sta. Ana na may 38 gold medals, 2nd placer ang Pamplona na may 33 golds at pumangatlo naman ang bayan ng Ballesteros.
Sa panayam kay Edwin Tagal, Sports Coordinator ng Schools Division Office ng Cagayan, aabot sa 4, 000 na mga delegado na kinabibilangan ng mga atleta, coaches, officiating team at iba pang personnel mula sa ibat-ibang mga bayan ang dumalo sa provincial meet.
Ang mga atletang nanalo at nanguna sa nasabing palaro ay sila ang magiging kinatawan ng probinsya sa Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) sa City of Ilagan sa Abril 24-28 ngayong taon.
Inihayag niya na aasahang aabot naman sa 750 delegado ang dadalo sa CAVRAA upang depensahan ang titulo at maiuwi ang kampeonato.
Sinabi niya na inaasahan naman ang pagsisimula ng inhouse training ng mga atleta sa Marso 25.
Kaugnay nito, sinabi ni Tagal na titiyakin nila na hindi mapapabayaan ang pag-aaral ng mga atleta habang sila ay nasa inhouse training dahil sa magkakaroon sila ng dalawang oras na klase sa umaga at sa hapon, Lunes hanggang Sabado.
Bukod dito, sinabi niya na hihilingin nila na magkaroon pa rin ng katulad na klase sa Linggo na araw ng pahinga ng mga atleta.