TUGUEGARAO CITY – Nagtatago na ngayon ang isang anak na nagsunog ng kanilang bahay bago maghatinggabi kagabi sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Simeon Dassun, kapitan ng Barangay Buntun na hinahanap na nila ngayon si Randy Catolos, 24 years old na agad na tumakas matapos na sunugin ang kanilang bahay.
Ayon sa kanya, bago silaban ni Randy ang kanilang bahay ay nakipag-inuman siya sa kanyang mga kaibigan.
Nang malasing na ay bumili siya ng gasolina sa halagang P600 at ibinuhos sa paligid ng kanilang bahay at sinilaban.
Sinabi ni Dassun na laging nanggugulo umano sa tuwing nalalasing si Randy at madalas ay hinahamon ang kanyang ama.
Sa katunayan, sinabi ni Dassun na nitong nakalipas na dalawang linggo ay nakulong si Randy dahil sa ginawa na naman nitong panggugulo sa kanilang bahay.
Dahil dito, ipinayo niya sa mga magulang ni Randy na sampahan na ng kaso ang anak dahil baka mas malala pa ang kanyang gagawin sa susunod.
Wala namang nasaktan sa insidente dahil agad na lumabas ang mga magulang at kapatid ng suspect.
Ayon sa kapitan, walang naisalba ang pamilya Catolos na kagamitan sa kanilang bahay.
Nabatid mula kay Dassun na graduate ng nursing si Randy at nagtatrabaho sa isang establishimento.