TUGUEGARAO CITY-Pagpapakita umano na nakikiisa ang mga barangay officials sa paglaban sa makakaliwang grupo sa pagdeklara ng “persona non grata” sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Una rito, nagdeklara ang anim na barangay ng Tabuk City, Kalinga ng “persona non grata” kontra sa makakaliwang grupo.
Ayon kay Brig. Gen. Henry Doyaoen, brigade commander ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army na nakabase sa Tabuk City, Kalinga, isang magandang hakbang ang ipinapakitang pakikiisa ng mga barangay officials sa pagsugpo sa insurhensiya.
Aniya, kabilang ang Brgy. Calanan, Naneng, Bado Dangwa, Bantay, New Tanglag at Masablang sa mga barangay na nagdeklara ng “persona non grata” sa nasabing lungsod.
Bukod dito, sinabi ni Doyaoen na bumuo rin ng Task Force Barangay to End Local Communist Armed Conflict ang mga nasabing barangay para matapos ang insurhensiya at mailigtas ang mga kabtaan sa panlilinlang ng mga rebeldeng grupo.
Kaugnay nito, umaasa si Doyaoen na sa mga susunod na araw ay magdedeklara na rin ng “persona non grata” ang iba pang barangay ng Tabuk para maipakitang wala nang sumusuporta sa mga makakaliwang grupo.