
Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapataw ng pagkakakulong at multang aabot sa P2 milyon laban sa sinumang mapatutunayang sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon.
Sa sesyon nitong Miyerkules, inaprubahan ng mga mambabatas sa botong 286 pabor, tatlo ang tutol, at walang abstention ang House Bill No. 9465 o ang Digital Media Anti-False Information Act.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng anim hanggang 12 taong pagkakakulong at multang mula P500,000 hanggang P2 milyon ang sinumang mapatutunayang sadyang lumikha, nagpondo, nag-utos, o tumulong sa pagpapakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng mapatutunayang pinsala sa publiko o nagbabanta sa pambansang seguridad.
Saklaw din ng panukala ang pagpapakalat ng mga larawang, video, at audio na nilikha o minanipula gamit ang artificial intelligence (AI) nang walang wastong pagsisiwalat at may layuning linlangin ang publiko.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, isa sa mga may-akda ng panukala, maingat na binuo ang panukala upang maprotektahan ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon.
Binigyang-diin niya na hindi layunin ng panukala na parusahan ang kritisismo, pagtutol sa pamahalaan, oposisyon, pamamahayag, o mga tapat na pagkakamali.
Aniya, ang target ng panukala ay ang sinasadya at organisadong pagpapakalat ng maling impormasyon na may layuning manlinlang at magdulot ng pinsala sa publiko.
Nilinaw rin ni Dy na protektado sa ilalim ng panukala ang mga opinyong pampulitika, kritisismo sa gobyerno at mga opisyal ng pamahalaan, satira, pamamahayag, whistleblowing, akademikong diskurso, artistikong pagpapahayag, at panrelihiyong ekspresyon.
Nakasaad din sa panukala na hindi mapaparusahan ang simpleng pag-like, pag-share, pag-forward, o pag-repost ng nilalaman maliban kung mapatutunayan ng prosekusyon nang lampas sa makatwirang pagdududa na ang isang tao ay may alam at aktibong nakilahok sa ipinagbabawal na gawain ng disinformation.










