
Mariing itinanggi ng mga lider ng House of Representatives ang alegasyon na may mga pag-uusap sa Kamara para ipagpaliban ang 2028 national elections o palawigin ang termino ng mga nakaupong opisyal.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, walang batayan ang naturang paratang at wala ring anumang panukalang isinusulong ang liderato ng Kamara hinggil dito.
Hinamon naman ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang mga nagpapakalat ng alegasyon na maglabas ng ebidensya, kabilang ang pangalan ng mga kongresistang sangkot at dokumentong magpapatunay sa sinasabing plano.
Tiniyak din ni Hernandez na iginagalang ng liderato ng Kamara ang Saligang Batas at karapatan ng mga Pilipino na pumili ng kanilang mga lider sa 2028.
Itinanggi rin ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Rep. Zia Alonto Adiong ang umano’y pag-uusap tungkol sa pagkansela ng halalan.










