Tuguegarao City- Sinampahan na ng kasong paglabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine ang anim na katao kinabibilangan ng apat na Chinese nationals matapos masabat sa checkpoint sa bahagi ng Brgy. Curva, Pamplona, Cagayan.
Kinilala ang dalawang chinese na sina Cao Lianxi, 60, foreman, Wang
Xuewu, 46, laborer, Li Xiaoyang, 53, at Wang Shiping, 54, pawang mga residente sa China kasama ang dalawang pinoy workers na sina Charlie Chavez, 38 company driver, mula sa Bataan at si Elizabeth Reyes, 38, translator, na mula naman sa Arayat, Pampanga.
Sa panayam kay SMSGT Tomas Baggay, imbestigador ng PNP Pamplona, lulan ng isang sasakyan ng masita ang mga suspek habang nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya sa naturang lugar.
Aniya, patungo ang mga suspek sa pinagsisilbihang communication installation site na pag-aari ng pribadong kumpanya kasama ng kanilang pinoy driver at ang translator.
Ayon kay Baggay, balak na umanong balikan at tapusin ng mga ito ang kanilang naiwang trabaho sa nasabing site kung saan ay pansamantalang naantala ng ipatupad ang ECQ.
Sinabi pa nito na lumabag ang apat sa social distancing dahil ng pahintuin ang kanilang sasakyan ay nakita silang magkakasama sa loob at wala sa tamang distansya.
Ipinunto pa ni Baggay na sa ngayon ay mahigpit ang implimentasyon ng ECQ at kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang pagtatrabaho na hindi naman akma sa sitwasyong nararanasan bunsod ng COVID-19.
Maalalang naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa lahat ng PNP Stations sa lalawigan upang higpitan ang pagpapatupad ng mga alituntunin upang makaiwas sa banta ng sakit
Sa ngayon ay nahaharap naman ang apat sa kasong paglabag sa RA 11332 o enhanced community quarantine alinsunod upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.s