Apat ang nasawi habang 88 iba pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang tren sa Al-Ayyat area sa Giza, timog ng Cairo, Egypt nitong Linggo, Nobyembre 8.

Ayon sa Railway Authority, bumangga ang tren na bumibiyahe mula Giza patungong Fayoum sa likurang bahagi ng tren na patungong Aswan mula Cairo, dahilan upang madiskaril ang ilang bagon.

Patuloy na ginagamot sa mga ospital sa Giza ang mga nasugatan, habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng aksidente.

Iniutos naman ni Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi ang agarang pagsisiyasat at pananagutin ang sinumang mapatutunayang nagpabaya.