
Umakyat na sa 69 ang bilang ng mga nasawi sa banggaan ng dalawang high-speed train sa Spain habang nagpapatuloy ang paghahanap ng mga rescue worker sa mga posibleng na-trap sa mga wasak na bagon.
Naganap ang aksidente nitong Miyerkules sa pagitan ng mga bayan ng Mora at Orgaz sa lalawigan ng Toledo. Patuloy ang pagbabaklas at pagbubuhat ng mga bahagi ng tren gamit ang mga crane upang matiyak na wala nang ibang biktima sa ilalim ng mga labi.
Ayon sa mga awtoridad, 57 sugatan ang nananatili sa mga ospital, habang mahigit 800 tauhan ng militar at pulisya ang ipinakalat sa lugar upang tumulong sa operasyon.
Nagdeklara ang pamahalaan ng Spain ng tatlong araw na pambansang pagluluksa para sa mga nasawi. Samantala, itinuloy ng mga train driver ang nakatakdang welga upang igiit ang dagdag na pamumuhunan at mga pagbabago sa kaligtasan ng sistema ng tren.
Sinimulan na rin ang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente, kasunod ng paunang pahayag na ilang tren ang awtomatikong huminto dahil sa problema sa signal.










