Patay ang apat na katao at 20 ang nasugatan sa mass shooting sa isang mataong bar sa southern US state sa South Carolina.
Ayon sa Beaufort County Sheriff, daang-daang katao ang nasa sikat na bar sa St Helena Island ng madaling araw nang may biglang magpaputok ng baril, na nagresulta para magtakbuhan ang mga nasa lugar sa ilang business establishment para magtago.
Idineklarang dead on the spot ang apat at nasa 20 ang nasugatan, kabilang ang apat na nasa kritikal na kundisyon.
Ayon sa tanggapan ng sheriff, iniimbestigahan na nila ang insidente at inaalam na rin ang mga salarin.
Nang dumating sa bar ang mga pulis, nakita nila ang maraming katao na nagtamo ng tama ng bala ng baril.
Hindi pa malinaw kung random o may target ang nasabing pamamaril.
Noong 2022, nagkaroon ng pamamaril sa nasabing lugar, kung saan dalawa ang nasugatan.
Kamakailan lang ngayong buwan, nagkaroon ng dalawang magkahiwalay na pamamaril sa South Carolina State University, nasa 100 miles sa timog ng St Helena Island, kung saan isa ang patay at isa ang nasugatan.