
Umapela si Grace Nancy dela Rosa, asawa ni Senador Ronald dela Rosa, sa hudikatura ng Pilipinas na huwag umanong maging kasangkapan sa pagpapadala sa kanyang mister sa The Hague, Netherlands.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagtugis ng mga awtoridad sa senador matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Nancy dela Rosa na dapat litisin ang bawat Pilipino sa ilalim ng sariling hudikatura ng bansa at hindi sa dayuhang korte.
Ayon pa sa kanya, ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa ICC ay maituturing umanong pagdududa sa kakayahan ng sistemang panghustisya ng Pilipinas.
Iginiit din niya na may halong pulitika umano ang kaso laban sa kanyang asawa at nanawagan siya sa hudikatura na agarang kumilos sa usapin.
Binigyang-diin din niya na dapat ipaglaban ng hudikatura ang soberanya ng bansa at huwag pabayaan ang karapatan ng mga Pilipino sa gitna ng usapin sa international tribunal.
Tinukoy rin niya ang naging karanasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing dapat matuto ang bansa na huwag basta isuko ang mga Pilipino sa dayuhang hurisdiksiyon.
Sa huli, umapela siya sa hudikatura na panindigan ang kanilang tungkulin dahil ang kanilang magiging desisyon ay maaalala umano sa kasaysayan.










