
Pormal nang bubuksan ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 30, ang makasaysayang paglilitis o trial proper laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands para sa kasong crimes against humanity.
Magsisimula ang pagdinig sa Courtroom I sa ganap na alas-diyes ng umaga sa The Hague, o alas-singko ng hapon dito sa Pilipinas, sa harap ng tatlong hukom ng Trial Chamber III na pinamumunuan ni Presiding Judge Joanna Korner kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Inaasahang personal na haharap sa korte ang otsenta’y uno anyos na dating pangulo na nakakulong sa ICC Detention Centre sa Scheveningen mula nang arestuhin at isuko noong Marso ng nakaraang taon.
Sa pagbubukas ng sesyon mamayang hapon, babasahin muna ang tatlong bilang ng sakdal na murder at attempted murder laban kay Duterte, titiyakin ng mga hukom na nauunawaan niya ang mga paratang, at tatanungin siya kung siya ay magpapasok ng plea na guilty o not guilty.
Pagkatapos nito, diringgin ang opening statements ng prosekusyon na binigyan ng dalawang oras at labinlimang minuto, ng kinatawan ng mga biktima na may isang oras at tatlumpung minuto, at ng kampo ng depensa na may isang oras, bago agad isalang ang unang testigo ng prosekusyon.
Hinati naman ng korte ang pagdinig sa apat na tig-iisang oras na sesyon bawat araw upang pangalagaan ang kalusugan ng dating pangulo, habang mapapanood ang livestream ng paglilitis nang may tatlumpung minutong delay.
Samantala, nagtungo na rin sa The Hague ang ilang kaanak ng mga biktima ng kampanya kontra iligal na droga upang personal na saksihan ang pagsisimula ng pagdinig, habang iginiit naman ng defense team ni Duterte na may umiiral na sistema ng hustisya sa Pilipinas at may bahid-pulitika umano ang mga kaso laban sa kanya.










