
Arestado ang isang babae matapos masagip ng mga awtoridad ang dalawang endangered Southern Rufous hornbill sa isinagawang anti-wildlife trafficking operation sa General Santos City.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources-SOCCSKSARGEN (DENR-12), isinagawa ang buy-bust operation sa Lote Highway sa Barangay Calumpang katuwang ang General Santos City Maritime Police Station.
Nakumpiskang walang kaukulang dokumento ang dalawang ibon na kabilang sa mga wildlife species na protektado ng batas.
Kinilala ang suspek na si alias “Aimae,” 32-anyos at residente ng Barangay Bula. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147) kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
Nanawagan naman ang DENR sa publiko na huwag makibahagi sa ilegal na panghuhuli, pag-aalaga at pagbebenta ng mga wildlife species, at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahalintulad na aktibidad.










