Inihayag ng bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei na hindi nais ng kanilang bansa ang digmaan laban sa United States at Israel, ngunit handa silang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan bilang isang bansa.

Sa kanyang mensahe na binasa sa state television, sinabi niyang, hindi nila hinangad ang digmaan at hindi nila ito gusto.

Gayunman, iginiit niya na hindi nila isusuko ang kanilang mga lehitimong karapatan sa anumang pagkakataon, at tinukoy ang “resistance front,” na tila tumutukoy sa mga kaalyado ng Iran tulad ng Hezbollah sa Lebanon.

Ang pahayag ay ilang linggo matapos mapatay ang kanyang ama na si Ali Khamenei noong Pebrero 28, sa unang araw ng digmaan.

Kamakailan, pumayag ang Iran sa dalawang linggong tigil-putukan kasama ang United States, na maaaring magbukas ng daan sa usapang pangkapayapaan, matapos ang mga banta ng matinding pag-atake mula kay US President Donald Trump.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ni Mojtaba Khamenei ang mga Iranian na huwag tumigil sa pagpapahayag ng kanilang saloobin sa publiko kahit may ceasefire.

Ayon sa kanya, mahalaga ang boses ng mamamayan sa magiging resulta ng negosasyon.

Samantala, hindi pa siya nakikita sa publiko mula nang italaga bilang lider, at pinaniniwalaang nasugatan siya sa parehong pag-atake na ikinamatay ng kanyang ama.

Karamihan sa kanyang mga pahayag ay inilalabas lamang sa pamamagitan ng nakasulat na mensahe na binabasa sa telebisyon.

May mga haka-haka pa nga si Trump na maaaring patay na siya, ngunit iginiit ng state television ng Iran na siya ay nagpapagaling mula sa kanyang mga sugat, at naglalabas ng mga larawan niya bagaman hindi tinutukoy kung kailan ito kinunan.