
Ipinatupad ng National Council for Disability Affairs (NCDA) ang unified identification system para sa mga persons with disabilities o PWDs upang mapigilan ang paggamit ng pekeng ID at matiyak na lehitimong benepisyaryo lamang ang makatatanggap ng mga pribilehiyo.
Sa ilalim ng Unified Persons with Disabilities Identification System, kailangang muling magparehistro ang mga PWD sa pamamagitan ng kanilang lokal na Persons with Disabilities Affairs Office o PDAO upang maisama sa Philippine Registry of Persons with Disabilities.
Hindi na kailangang magsumite ng disability certificate ang mga may nakikitang kapansanan, ngunit kinakailangan ito para sa mga may hindi agad nakikitang kondisyon. Maaari ring beripikahin ng NCDA ang mga isinumiteng sertipiko sa mga medical professional.
Ayon sa ahensya, tinatayang ₱88.2 bilyon ang nawawalang kita ng pamahalaan dahil sa maling paggamit ng PWD IDs. Layunin ng bagong sistema na mapangalagaan ang 20 porsiyentong diskuwento at VAT exemption na nakalaan sa mga lehitimong PWD.
Mahigit 190,000 na ang nakapagparehistro sa sistema at mahigit 128,000 na ang nabigyan ng bagong ID. Target ng NCDA na maisama ang natitirang 2.7 milyong PWD pagsapit ng 2027, habang inaasahang tuluyang mapapalitan ng unified ID ang mga lumang PWD card pagsapit ng 2030.










