
Isang katutubong Agta mula sa Santa Ana, Cagayan ang nagsilbing inspirasyon matapos makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa ikaapat na pagkakataon, sa kabila ng diskriminasyon, kahirapan at mga pagsubok na pinagdaanan.
Si Zeny Cepeda, isang English major at guro ng Saint Anthony’s College, ay hindi sumuko sa pangarap na maging lisensyadong guro upang higit pang makatulong sa kapwa niya katutubo, lalo na sa mahigit 40 Agta students na kanyang tinuturuan.
Naranasan niya ang pambubully dahil sa kanyang katutubong pagkakakilanlan at kinailangang magsikap upang makapagtapos ng kolehiyo sa tulong ng scholarship at iba’t ibang oportunidad.
Tatlong beses din siyang bumagsak sa LET bago tuluyang makamit ang lisensya.
Hinikayat niya ang kapwa Agta na samantalahin ang mga oportunidad sa edukasyon at ibahagi ang kanilang kaalaman sa susunod na henerasyon.
Pangarap din niyang makapagturo sa pampublikong paaralan sa sariling komunidad upang maging inspirasyon sa mga kabataang Agta at patunay na hindi hadlang ang kahirapan at pinagmulan sa pagkamit ng pangarap.










