Itinaas na ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC) sa Super Typhoon ang Bagyong Sinlaku, na siyang kauna-unahang super typhoon sa Western Pacific ngayong taon.

Ayon naman sa DOST–PAGASA, patuloy pang lumalakas ang bagyo at malapit nang umabot sa super typhoon category sa kanilang sukatan.

Batay sa pinakahuling datos alas-2:00 ng hapon ngayong Abril 12, 2026, huling namataan ang bagyo sa layong humigit-kumulang 2,830 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 240 km/h batay sa 1-minute average ng JTWC, habang nasa 175 km/h naman ang 10-minute average na pagtataya ng PAGASA.

Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, sa kanilang pagtaya ay hindi tatama sa kalupaan ang bagyo.

Aniya, maliit din ang tsansa na pumasok ito ng PAR dahil sa susunod na tatlo hanggang apat na araw, tinatayang kikilos ang bagyo generally northwestward hanggang kikilos ito pahilaga.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Estareja na nagre-recurve na bagyo patungo sa North Pacific Ocean. Malaki aniya ang impluwensiya rito ng ridge of high pressure area sa may Northern Philippine Sea.

Pinapayuhan ang publiko na mag-antabay sa updates na ilalabas ng PAGASA ukol sa nasabing bagyo.

Samantala, pinapayuhan ang mga residente sa Guam at Northern Mariana Islands na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa National Weather Service Guam, dahil sila ang mga lugar na posibleng direktang maapektuhan ng malakas na bagyong ito.