Halos hindi gumagalaw ang Tropical Depression Luis habang nasa karagatang silangan ng Aurora

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 130 kilometro silangan-timog silangan ng Casiguran, Aurora. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 kilometro kada oras.

Dahil dito, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa gitna at silangang bahagi ng Cagayan, kabilang ang Tuguegarao City, gayundin sa mga bayan ng Enrile, Peñablanca, Piat, Santo Niño, Camalaniugan, Tuao, Lal-lo, Gonzaga, Alcala, Amulung, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Solana, Rizal, Santa Ana, Gattaran, Iguig, Lasam, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan at Pamplona.

Kasama rin sa ilalim ng Signal Number 1 ang buong lalawigan ng Isabela at Quirino, silangang bahagi ng Apayao, Kalinga, Mountain Province at Ifugao, hilagang bahagi ng Aurora, Polillo Islands at hilagang bahagi ng Camarines Norte.

Bagama’t minimal hanggang minor pa lamang ang inaasahang epekto ng malalakas na hangin, hindi dapat maging kampante ang publiko lalo na sa mga lugar na lantad sa malalakas na bugso ng hangin.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa bagyo, patuloy ring pinalalakas ng Habagat ang sama ng panahon kaya asahan ang malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong araw at bukas.

Samantala, pinapayuhan ang mga mangingisda at mga gumagamit ng maliliit na bangka na mag-ingat o kung maaari ay huwag munang pumalaot dahil sa katamtaman hanggang maalon na karagatan, kabilang ang silangang baybayin ng mainland Cagayan at Isabela.

inaasahang kikilos na pahilagang-kanluran ang Tropical Depression Luis at maaaring mag-landfall o dumaan malapit sa Hilagang Luzon mamayang gabi hanggang madaling araw ng Martes. Gayunman, nilinaw ng ahensya na nananatiling mataas ang posibilidad na magbago pa ang tatahaking direksyon ng bagyo kaya patuloy na hinihikayat ang publiko na bantayan ang mga susunod na weather bulletin.

Muling pinaaalalahanan ang mga residente sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng malalakas na ulan, pagbaha, pagguho ng lupa at malalakas na hangin na sundin ang mga abiso at evacuation order ng kanilang mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.