Mahigit P130,000 halaga ng ibat-ibang uri ng hindi rehistradong pest control products ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa isang department store sa Centro, Aparri, Cagayan.

Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Cagayan Provincial Field Unit ang pagsisilbi ng search warrant, kasama ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa nasabing establisyimento kasunod ng mga natanggap na reklamo.

Ayon kay PLt. Raymond Tan, Assistant Provincial Chief ng CIDG-Cagayan, ang mga ganitong uri ng produkto ay maaaring magdulot ng malubhang epekto sa kalusugan dahil hindi ito dumaan sa tamang pagsusuri at regulasyon ng FDA.

Nahaharap naman ang naarestong manager ng naturang establisyimento ng paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 na pansamantalang nakalaya matapos makapaglagak ng P60K na piyansa.

Ang may-ari naman at isa pang kasama na kasalukuyang “at-large” ay nahaharap rin sa kahalintulad na kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad kung saan nagmula ang mga nasamsam na produkto na may mga pangalang tila galing sa ibang bansa.

Kasabay nito, nanawagan si Tan sa sinumang may impormasyon tungkol sa ibang nagbebenta ng hindi rehistradong gamit o produkto na mag-ulat agad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o sa kanilang opisina.