Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na inaasahan nilang matatapos ang proseso ng ballot verification mula Abril 20 hanggang 21, kasunod ng pag-imprenta ng 53 milyong opisyal na balota para sa darating na Halalan 2025.
Ayon kay Comelec spokesperson Rex Garcia, kanilang uunahin ang ballot verification mula sa mga liblib na lugar, habang mula Abril 15 hanggang 20 naman ay pagtutuunan ng pansin ang mga balota mula sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.
Magkakaroon din ng distribusyon ng mga validated o na-verify nang balota sa ikalawang linggo ng Abril, ayon pa kay Garcia.
Ipinaliwanag ng Comelec na ang pagpapatunay ng mga balota ay isasagawa sa dalawang paraan: mano-manong pagsusuri at paggamit ng makina upang tiyakin ang pagiging wasto ng mga balota.
Samantala, maghahatid din ang Comelec ng mga voter information sheet sa buong bansa mula Abril 1 hanggang 30.
Ang mga sheet na may apat na pahina ay naglalaman ng mga impormasyon tulad ng pangalan ng botante, lokasyon ng presinto, mga paalala tungkol sa halalan, at ang listahan ng mga kandidato, parehong pambansa at lokal.
Bilang dagdag na hakbang para sa kaligtasan, magkakaroon ng online precinct finder na magiging available dalawang linggo bago ang halalan upang matulungan ang mga botante sa paghahanap ng kanilang mga presinto at maiwasan ang anumang aberya sa araw ng eleksyon.