Natagpuan ang bangkay ng isang sanggol na lalaki sa tambak ng basura sa gilid ng kalsada sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Martes ng tanghali.
Ayon sa isang residente, nakita niya ang sanggol na walang saplot at nakabalot lamang sa plastik sa Blk 34, Kalayaan Street kanto ng Eusebio Avenue.
Agad siyang tumawag sa 911 upang ireport ang insidente, at tinakpan muna nila ang sanggol ng kulay asul na tela.
Nagsimula nang magsuot ng face mask ang ilang residente dahil sa masangsang na amoy na noong una ay inakalang mula lamang sa mga itinapong hasang.
Napag-alamang pitong buwang gulang ang sanggol.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng matagal nang nandoon ang bangkay, ngunit hapon na nila ito naireport at nabisita ng pulisya at medical rescuers.
Umabot pa ng halos kalahating araw bago ito nakuha ng taga-punenarya bandang alas dose ng hatinggabi kinabukasan, dahil umano sa kakulangan ng mga dokumentong kinakailangan.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng barangay at mga awtoridad upang matukoy kung sino ang nagtapon sa sanggol at kung sino ang kanyang mga kaanak.
Nanawagan din ang barangay sa sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan upang mabigyan ng maayos na libing ang sanggol.