Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na mapanganib na hinarang ng China Coast Guard (CCG) ang BRP Cabra habang nagsasagawa ito ng martime patrol malapit sa Bajo de Masinloc kahapon.

Sa isang pahayag, sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, binilisan ng CCG vessel 21612 ang speed nito sa nasa 36.35 nautical miles sa timog ng Bajo de Masinloc.

Ayon kay Terriela, nagmaneobra ang barko ng China sa bahagi ng port ng BRP Cabra, kung saan naging mapanganib ang pagharang nito sa navigation route ng barko ng bansa.

Sinabi niya na ang nasabing insidente ay nagpapakita na hindi sumusunod ang CCG sa International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at lantaran na pagbabalewala sa kaligtasan sa karagatan.

Binigyang-diin ni Tarriela na ang ginagawa ng mga barko ng China ay naglalagay sa panganib sa buhay ng mga mangingisda at maging sa mga lehitimong law enforcement agencies.

-- ADVERTISEMENT --

Matatagpuan ang Bajo de Masinloc sa 124 nautical miles ng Masinloc, Zambales, at ito ay nasa 100-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Tinatawag din ang Bajo de Masinloc na Panatag Shoal o Scarborough Shoal.

Sinabi ni Tarriela, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang BRP Cabra sa karagatan ng Zambales upang pigilan ang pagtatangka ng CCG na gawing normal ang kanilang iligal na pagpapatrolya sa EEZ ng ating bansa.

Ayon kay Tarriela, sa kabila na mas maliit ang BRP Cabra kumpara sa mga barko ng China, iginiit ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na may karapatan ang barko ng bansa na magsagawa ng pagpapatrolya sa ilalim ng international law nang walang pananakot.

Dahil dito, nagawa ng BRP Cabra na hamunin ang CCG, na isang paraan upang mailantad ang hindi magandang ginagawa at bullying tactics ng CCG sa international community.