TUGUEGARAO CITY- Ilalabas na mamamaya ang listahan ng mga barangay na isasama sa mga nauna nang naideklarang nasa danger zone kaugnay sa pag-alburuto ng Taal volcano.

Sinabi ni Brigadier General Kit Teofilo, commander ng Joint Task Force Taal na ang mga nasabing barangay ay nasa tinatawag na base surge na nasa palibot ng Taal lake.

Ayon sa kanya, ang mga nasabing lugar ay posible rin umanong direktang maapektuhan sakaling muling magkaroon ng eruption ang Taal volcano.

Dahil dito, sinabi niya na mahigpit ang kanilang ginagawang pagbabantay sa base surge area.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Teofilo na napakalaking hamon sa kanila ngayon ang palagiang pagpapaalala at pagbabantay sa mga evacuees na huwag munang bumalik sa kanilang mga lugar para sa kanilang kaligtasan.

Samantala, sinabi ni Teofilo na “first to move; last to pull out” ang mga uniformed personnel na kasama sa mga tumutulong sa kasalukuyang sitwasyon ngayon sa Batangas.