Gumagawa ng mga paraan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 2 upang makontrol ang pagdami ng janitor fish sa mga karagatan na itinuturing ng mga mangingisda na peste dahil sa nakakaapekto umano ito sa kanilang hanapbuhay.

Bilang bahagi ng selebrasyon ng Farmers and Fisherfolk Month ngayong buwan ng Mayo, nagsagawa ang BFAR Region 2 ng Janitor Fish Utilization Contest.

Sinabi ni Dr. Amelyn Ame, scientist one ng ahensiya na layunin ng inisyatiba na ito ay para makontrol at maayos na mapamahalaan ang populasyon ng janitor fish upang mabawasan ang impact nito sa freshwater ecosystems sa Cagayan Valley.

Bukod dito, sinabi ni Ame na layunin din nito na mawala ang paniniwala ng marami na hindi nakakain ang janitor fish at upang ipakita na may maraming pakinabang sa nasabing isda.

Pitong grupo mula sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino ang nakilahok sa contest kung saan ang anim sa mga ito ang nagluto ng iba’t ibang putahe mula sa janitor fish habang ang isang grupo ay gumawa ng pataba para sa mga halaman.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga putahe ay janitor fish cupcake, sizzling janitor fish , janitor fish curry, palaman sa siopao, tofu janitor fish dynamite, at armored janitor fish in ginger sauce.

Kaugnay nito, tinanghal na first prize ang Nueva Vizcaya State University, Bayombong campus dahil sa kanilang ginawang pataba para sa mga halaman; 2nd prize ang Cabatuan Fishers and Farmers Association and RIC Diamantina na nagluto ng janitor fish yong tau foo and fishy dynamite, ikatlong puwesto naman ang Cagayan State University Aparri campus sa kanilang inihandang toasted janitor fish siopao.

Nag-uwi ng cash prize at certificate ang mga nanalo habang ang mga ibang kalahok ay nakatanggap ng consolation prizes o cash incentives bilang pasasalamat sa kanilang pakikilahok sa naturang aktibidad.