Tuguegarao City- Tumatanggap na ng scholarship application ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 sa ilalim ng kanilang “scholarship program” para sa pagbubukas ng school year 2020-2021.
Sa panayam kay Ronaldo Libunao, Focal Person for Scholarship Program, nasa 26 scholarship slots ang nakatakdang ipamahagi ngayong taon.
Aniya, tatagal ang kanilang pagtanggap ng aplikasyon sa mga kwalipikadong mag-aaral ng apat na buwan o hanggang sa Oktubre upang maasistehan ang lahat ng mga nais na mag-aral sa ilalim ng fishery courses.
Paliwanag pa nito, may tatlong kategorta sa ilalim ng naturang programa kung saan kabilang dito ang mga industry leaders o honor students, anak ng mga mangingisda, traders at resellers ng fishery products at mga IP members.
Kaugnay nito, bukas ang 3 slots para sa mga industry leaders, 3 slots din sa mga IP members at 20 slots para sa anak ng mga magsasaka.
Samantala, sasailalim naman sa screening at examination ang mga nais mag-apply ng scholarship na magiging basehan sa pagpili sa mga kwalipikadong scholar.