
Nakatanggap din ang Bureau of Immigration (BI) ng impormasyon kaugnay ng umano’y planong pag-alis sa bansa ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Party-list Representative Martin Romualdez.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, naipaalam sa kawanihan ang planong pagbiyahe ng mambabatas na hindi naman natuloy kalaunan.
Saad pa ng BI official na batid ng kampo ni Romualdez ang umiiral na derogatory records at ang kaukulang restriksiyon. Sakali man aniya na may pagtatangkang umalis, ipatutupad ng kawanihan ang batas nang naaayon.
Nauna nang ibinunyag ng Office of the Ombudsman nitong Lunes na tinatangka umano ni Romualdez na umalis ng Pilipinas sa kabila ng precautionary hold departure order laban sa kaniya.
Itinanggi naman ng kampo ng mambabatas na nagtangka itong tumakas, at iginiit na nananatili pa rin siya sa bansa.
Ayon sa tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Elaine Atienza, nakahanda ang former house speaker na harapin ang Office of the Ombudsman at mananatili siya sa bansa hanggang sa malinis ang kaniyang pangalan.
Matatandaang isa si Romualdez sa mga iniimbestigahan ng Ombudsman kaugnay ng umano’y korapsiyon sa flood control projects.




