Umabot na sa 325 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa lalawigan ng Cagayan, kung saan lima na ang nasawi batay sa datos mula Enero hanggang Agosto, ngayong taon.

Ayon kay Nestor Santiago ng Provincial Health Office (PHO) Cagayan, mas mataas ito ng halos 9.8% kumpara sa bilang ng mga kaso na naitala sa lalawigan noong nakaraang taon.

Aniya, 60% sa mga munisipalidad at isang lungsod sa lalawigan ang nakapagtala ng pagdami ng kaso kung saan 70 hanggang 80% ng mga apektado ay mga magsasaka.

Kabilang sa mga nangunguna sa bilang ng kaso ang bayan ng Lassam na may 42 kaso, Baggao na may 32, Alacapan na may 28, at Gattaran na may 36.

Ang iba pang may mataas na bilang ay ang Lallo 17, Aparri 12, Alcala 13, at Amulung 11.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mataas na bilang, sinabi ni Santiago na 99.8 porsyento sa mga pasyente ay gumaling na habang ang limang naitalang nasawi dalawa sa bayan ng Buguey, at tig-isa naman sa Abulug, Alcala, at Santo Niño.

Ipinaalala ni Santiago na huwag balewalain ang mga sintomas ng leptospirosis tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, paninilaw ng balat at pamumula ng mga mata.

Pinapayuhan ang publiko na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health facility upang maiwasan ang malubhang komplikasyon tulad ng pagkasira ng kidney.