
Natagpuan na wala nang buhay ang tatlo pang mangingisda na nawawala matapos na tumaob ang kanilang bangka sa kasagsagan ng pananalasa ng super typhoon Nando noong Sept. 22 sa Santa Ana, Cagayan.
Dahil dito, umakyat na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa nasabing trahedya, habang anim naman ang nakaligtas.
Ang mga namatay ay taga Sto. Niño, Cagayan, lima ang taga Quezon Province at isang taga Real, Aurora.
Una rito, sinabi ni LT. Junior Grade Lamie Manglugay, Information Officer ng Coast Guard District North Eastern Luzon, sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, 13 mangingisda na galing sa Aurora Province ang lulan ng nasabing bangka nang sumilong ito dahil sa banta ng Super Typhoon Nando.
Apat sa kanila ay nag-force evacuate na noong Sept 20, habang ang iba ay nanatili sa bangka.
Sinabi ni Manglugay na agad rumesponde ang mga coast guard personnel ng Sta. Ana sa lugar nang i-report ng may-ari ng bangka na hindi na matawagan ang mga kasamahan nito.
Base sa initial investigation, habang naka-angkla ang bangka, binayo ito ng sunod-sunod at malalakas na hampas ng alon at malalakas na hangin na nagbunsod ng pagtagilid nito hanggang sa ito ay tuluyang tumaob.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation kung saan una rito ay naisalba ang dalawang mangingisda sa pamamagitan ng pag-chainsaw sa isang bahagi ng bangka habang natagpuan ang isang bangkay na palutang-lutang sa layong 100m mula sa bangka.
Kasunod nito ay natagpuan ng Philippine Navy ang dalawa pang nasawi sa mangroves area bago natagpuan ang ikaapat na biktima bandang hapon, sumunod naman ngayong araw na natagpuan ang tatlong iba pa.