Nadagdagan pa ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga nitong madaling araw ng Mayo 24.

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 PIO Fire Supt. Maria Leah Sajili, sinabi nitong tatlo na ang kumpirmadong bilang; habang mayroon pang nagpapatuloy ngayon na isang retrieval operation.

Ibig-sabihin, inaasahang aakyat na sa apat ang mga nasawi.

Kabilang sa mga nasawi ang isang Malaysian national na naka-check in sa katabing hotel na naapektuhan ng pagguho, habang dalawa naman ay mga construction worker.

Sa kabuuan, 47 indibidwal ang naiulat na nasa lugar nang mangyari ang insidente, 26 na ang na-rescue at naihatid sa kani-kanilang tahanan habang 17 pa ang nananatiling nawawala, kabilang ang isang vendor.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, isa sa mga nagpapahirap sa rescue teams ay ang instability ng gumuhong istruktura at magkakadugtong na scaffolding na maaaring magdulot ng karagdagang pagguho.

Gayunpaman, tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang thermal scanning sa iba’t ibang bahagi ng gusali upang matukoy kung mayroon pang mga may buhay.

Kapag wala nang life signs na makita, retrieval operation na lamang ang isasagawa ng mga awtoridad.