Umakyat na sa 31 ang bilang ng mga nasawi habang 12 katao pa ang nawawala matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani nitong Lunes, Hunyo 8.

Ayon sa mga lokal na awtoridad, mahigit 130 katao rin ang nasugatan habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga lugar na matinding naapektuhan ng lindol.

Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang lindol dakong alas-7:37 ng umaga sa bayan ng Maasim, Sarangani.

Naitala ang pagyanig na nagmula sa paggalaw ng Cotabato Trench.

Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng mga nasawi ang General Santos City, kung saan siyam na katao ang kumpirmadong namatay.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang paghahanap ng mga rescuer sa mga pinaniniwalaang natabunan sa isang gumuhong grocery store sa lungsod.

Ayon sa mga opisyal, malaking hamon sa kasalukuyan ang pagkawala ng kuryente at komunikasyon sa ilang lugar, na nagpapahirap sa pangangalap ng kumpletong impormasyon hinggil sa lawak ng pinsala.

Ilang gusali rin ang napinsala dahil sa lindol, kabilang ang isang shopping center na may fast-food restaurant at isang gusali ng paaralan.

Wala namang naiulat na nasaktan sa paaralan dahil walang tao sa loob nang mangyari ang pagyanig.

Mahigit 2,000 residente ang inilikas matapos ang banta ng tsunami kasunod ng lindol.

Bagama’t inalis na kalaunan ang tsunami warning, nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad habang sinusuri ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad.

Dahil sa insidente, sinuspinde ang klase sa buong Mindanao sa dapat sana’y unang araw ng pasukan.

Pansamantala ring isinara ang General Santos Airport matapos makitaan ng pinsala sa ilang bahagi ng terminal building.