Nalunod ang isang 12-anyos na binatilyo sa bahagi ng Pinacanauan river matapos magkayayaang maligo kasama ang pinsan sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Macmac”, grade 6 student at residente sa Brgy Cabbo.
Ayon kay PCAPT Lief Bernard Guya, deputy chief of police ng PNP-Peñablanca, bandang hapon ng nagkayayaan ang biktima, kasama ang kanyang ina at pinsan sa bukid upang kumuha ng mais mula sa natapos nang anihin o “makkatak”.
Dahil sa abala ang ina sa pamumulot ng mais ay hindi nito namalayan na naligo sa ilog na malapit lang sa corn fields na bahagi ng Brgy Centro, Penabalanca ang kanyang anak at pamangkin na hindi rin nagpaalam sa kanya.
Subalit nabigla na lamang ang ina nang magsumbong ang pamangkin nito na nalunod ang kanyang anak matapos na napadpad sa bahagi ng malalim na ilog.
Agad namang naiahon ang katawan ng biktima sa ilog ng rumespondeng rescue ng lokal na pamahalaan subalit nasawi ito kalaunan habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.