
Nailigtas ang siyam na taong gulang na lalaki matapos umanong ikulong at patirahin sa loob ng utility van ng kanyang ama sa silangang France mula pa noong 2024.
Dinala sa ospital ang bata, habang ang kanyang ama ay inaresto.
Naalerto ang pulisya ng isang kapitbahay dahil sa mga boses ng isang bata na nagmumula sa isang van noong Lunes sa bayan ng Hagenbach, malapit sa hangganan ng Switzerland at Germany, ayon sa pahayag ng piskal na si Nicolas Heitz.
Matapos piliting buksan ang van, natagpuan ng mga pulis ang bata na nakahiga sa posisyong parang fetus, walang saplot, at natatakpan lamang ng kumot sa ibabaw ng tambak ng basura at malapit sa dumi.
Halatang kulang sa nutrisyon ang bata at hindi na makalakad matapos manatili sa nakaupong posisyon nang matagal.
Sinabi ng ama sa mga imbestigador na inilagay niya ang bata sa van noong Nobyembre 2024 para protektahan siya dahil nais umano ng kanyang kinakasama na dalhin ang noon ay pitong taong-gulang na bata sa isang psychiatric hospital.
Ayon sa piskal, walang rekord na may problema sa pag-iisip ang bata bago siya mawala, at maganda pa ang kanyang mga grado sa paaralan.
Sinabi rin ng bata sa mga imbestigador na nahihirapan siya sa pakikitungo sa kinakasama ng kanyang ama at inakala niyang wala nang ibang pagpipilian ang kanyang ama kundi ikulong siya.
Ayon din sa kanya, hindi siya naligo mula pa noong 2024.
Ang ama ay sinampahan ng mga paunang kaso, kabilang ang kidnapping.
Itinanggi naman ng kinakasama ng ama na alam niyang nasa loob ng van ang bata.
Siya ay sinampahan din ng paunang kaso, kabilang ang kabiguang tumulong sa isang menor de edad na nasa panganib, ngunit pinalaya sa ilalim ng judicial supervision.
Ang 12-taong-gulang na kapatid ng bata at ang 10-taong-gulang na anak ng kinakasama ng ama ay inilagay sa pangangalaga ng social services.
Iniimbestigahan ng tanggapan ng piskal kung may iba pang taong may alam sa pagkakakulong ng bata.
Ayon sa mga kaibigan at kamag-anak, inakala nilang ang bata ay nasa isang psychiatric institution.
Sinabi naman sa kanyang mga guro na lumipat siya sa ibang paaralan.
Hindi inilabas ng mga awtoridad ang mga pangalan ng bata at ng kanyang mga kamag-anak.










