Natunton na ng mga otoridad ang 16-anyos na binatilyo na nag-viral sa social media matapos makuhaan ng video habang sumasayaw nang walang suot na pang-ibaba at nakasabit sa umaandar na tricycle sa Sumulong Highway, Antipolo City.
Naaresto si alyas “Carl” matapos ang isinagawang tracking operation ng Antipolo Police, kasunod ng pagpapakalat ng video ng insidente sa social media.
Sa kanyang pagkahuli, aminado ang grupo na katuwaan lang daw ang kanilang ginawa.
Hawak na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad, habang kakasuhan ng grave scandal ang driver na nasa wastong edad.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad na itigil ang ganitong uri ng kabastusan sa publiko, lalo na’t mabilis kumalat sa social media ang ganitong mga insidente.
Ipinatawag na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng isang tricycle.
Sa inilabas na show cause order, inatasan ang driver at may-ari na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa.
Posibleng bawiin ang lisensya ng driver dahil sa reckless driving habang posibleng pagmultahin ang may-ari dahil sa pagkuha ng iresponsableng driver.
Inilagay na sa alarm ang tricycle para hindi na ito magamit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inatasan naman ang driver na isuko ang kanyang lisensya bago ang pagdinig sa June 25.