
Inilunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang one-time tax abatement program na layong tulungan ang micro businesses at inactive taxpayers na makapag-settle ng kanilang mga lumang obligasyon sa buwis na may bawas o libreng penalties.
Ayon sa BIR, sakop ng programa ang mga micro taxpayers na may annual gross sales na hanggang P3 milyon at may kabuuang tax liabilities o penalties na hindi lalampas sa P80,000 kada taon ng pagbubuwis.
Kailangan ding umiiral na ang mga kaso bago ang Disyembre 31, 2025.
Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong taxpayer sa kani-kanilang Revenue District Office at magbayad ng one-time abatement fee na P5,000 para sa bawat aprubadong aplikasyon.
Kapag nakumpleto ang requirements, bibigyan sila ng Certificate of Availment.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng programa na bigyan ng panibagong simula ang maliliit na taxpayer na may lumang obligasyon upang ma-update ang kanilang records at makasunod sa tax regulations.
Pinalawig ng BIR ang aplikasyon hanggang Disyembre 31, 2026.










