Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) hanggang Nobyembre 19, 2026 ang deadline sa paghahain ng tax returns at pagbabayad ng buwis na nakatakda sana mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa mga sakop na tanggapan sa National Capital Region (NCR).

Alinsunod ito sa Proclamation No. 1447 na nagdedeklara ng special non-working days sa NCR kaugnay ng 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong.

Samantala, hiwalay dito ang naunang extension hanggang Nobyembre 13 para sa ilang tax returns at payments sa buong bansa dahil sa system maintenance ng eBIRForms.

Mananatili naman sa orihinal na iskedyul ang mga deadline sa mga lugar na hindi saklaw ng ASEAN-related work suspension.