Iniimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang posibleng pagkalantad ng ilang impormasyon ng mga taxpayer kasunod ng mga insidente ng cyberattack noong Nobyembre 6 at 7.

Ayon sa BIR, ipinahihiwatig ng paunang resulta ng pagsusuri na posibleng nakompromiso ang ilang taxpayer profile information. Nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center at DICT-National Computer Emergency Response Team para matukoy ang pinagmulan at lawak ng posibleng hindi awtorisadong pag-access.

Gayunman, tiniyak ng BIR na nananatiling buo ang kanilang internal database infrastructure at systems. Wala rin umanong nabago o nawalang impormasyon ng mga taxpayer, at hindi nakompromiso ang mga rekord ng paghahain ng buwis at pagbabayad.

Pinayuhan naman ang publiko na palitan ang kanilang account credentials at password, gumamit ng multi-factor authentication kung mayroon, at mag-ingat laban sa phishing at iba pang scam.

Binigyang-diin din ng BIR na sa mga opisyal na channel at platform lamang ng ahensiya dapat isagawa ang lahat ng transaksiyon.

-- ADVERTISEMENT --