Natagpuang wala nang buhay ang mag-iina sa loob ng kanilang bahay na may mga taga sa kanilang katawan sa Barangay Lutac, Naga City, Cebu kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Junelyn Gimenez, at mga anak na 11-anyos at dalawa, na kapwa mga lalaki.
Nakita ang katawan ng ina at anak na dalawang taong gulang sa loob ng kuwarto, habang nasa malapit naman sa kusina ang katawan ng isa pang anak na 11-anyos.
Kinilala naman ang suspek na si Carlo Camporedondo, 33-anyos, live-in partner ng babae.
Nabatid na ang ginamit ng suspek sa mga biktima ay ang itak na ginagamit niya sa pagtitinda ng buko.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, puntirya rin ng suspek ang lola ng mga bata pero nakatakbo siya palabas ng bahay.
Isinigaw umano ng suspek na patay na ang kanyang asawa at dalawang anak.
Ayon sa pulisya, sa kanilang pagtatanong sa mga kapitbahay, wala umano silang narinig na away o sigawan sa loob ng bahay ng mga biktima.
Samantala, sinabi ng kapatid ng babae, dati na niyang sinabihan ang biktima na hiwalayan na ang kanyang live-in partner dahil sa nakitaan ito ng pagiging marahas.
Bukod dito, sinabi ng kapatid na gumagamit din umano ng iligal na droga ang lalaki.
Una ring sinabi ng 11-anyos na anak na kasama sa mga biktima na laging nagbabanta ang kanilang ama na sila ay papatayin sa tuwing nag-aaway sila ng kanyang nanay.
Agad din na nahuli ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation kahapon ng hapon, kung saan nabaril siya tiyan at binti ng mga pulis.