Ipapatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang kautusan ng First Division ng Korte Suprema na palayain ang negosyanteng si Joseph Sy matapos pagbigyan ang kaniyang petisyon para sa habeas corpus.

Inaresto si Sy noong 2025 sa Ninoy Aquino International Airport pagdating mula Hong Kong, matapos umanong tumugma ang kaniyang biometrics sa rekord ng isang Chinese national.

Pinaghihinalaan siyang isang Chinese national na nagpapanggap na Filipino.

Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, igagalang ng ahensiya ang resolusyon ng Korte Suprema.

Gayunman, nilinaw niyang ang usapin sa korte ay nakatuon lamang sa legalidad ng pagkakakulong kay Sy at hindi sa pinal na pagtukoy sa kaniyang pagkamamamayan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipag-ugnayan na ang BI sa Department of Justice at Office of the Solicitor General upang matiyak ang maayos at agarang pagpapatupad ng kautusan.

Samantala, nagpapatuloy ang mga prosesong legal kaugnay ng pagkakakilanlan at pagkamamamayan ni Sy.

Noong Pebrero, nagpasiya ang Court of Appeals na ilegal ang kaniyang pagkakakulong.